Ang Hatol ng Kasaysayan |
|
Anthony F. V. Serrano |
|
| Ang iyong pagdapit Sa balinsusong dawag ay kakambal Ng isang manisnis, malinsuob na liwanag, Subalit isa ka rin palang paruparong hubad.
Magaway ang uyayi. Matalim ang kidlat. Mahaba ang sungkit. Malaki ang butas.
Sa pagbagtas mo sa kabilang pampang, Isang salinlahi ang kasamang napalungi. Ang lahat ay natuto sa buhay mo: Ikaw ang hari'y ikaw pa ang payaso.
Ibinaligya mo ang talinhaga Ng mga buntala Sa baak na anino Ng isang pangitain.
Ngayo'y nananahimik ang mga lunsod At nagigising ang mga talampas. At ang ngalan mo ang linab Sa uliuli ng bulkan. |
|