Medusa |
|
Benilda S. Santos |
|
| Siya na nakapantalon at mainit ang hininga inihiga ako sa gilid ng mundo at tiningnan nang tiningnan
hanggang sa mangalirang ang aking buhok at sa matinding galit at takot naging ahas ang bawat isa sa kanila gutom na gutom sa lasa ng laman ng labing may pawis ng pagnanasa
hanggang sa madurog ang aking puso at sa di-mapatid na sakit at pait naging bato ito malamig na malamig ang pintig.
Ngayong lupang latag na latag na ang aking katawan sa ilalim ng malulupit mong talampakan ikaw naman ang aking titingnan nang titingnan
hanggang sa matuyo ka sa apoy ng aking mga mata at sipsipin ng bawat ahas kong buhok ang bawat patak ng dugo sa iyong mga ugat at masimot ang kaliit-liitang kutob ng buhay.
Namamangha ka sa liyab ng aking higanti? Ay! ikaw ang hari ko't guro, Lalaki! |
|