Pauwi Mula sa Sine |
|
Jose F. Lacaba |
|
| Ang lamig ng kalsada'y lalong pinalalamig ng lakad kong mabilis. Halos hatinggabi na ang sagot ng orasan ng isang napagtanungan.
Matagal pang maghihintay para sa pasahero ang bus na sinasakyan ko, at ako'y giniginaw. Ang aking alaala'y nasa La Dolce Vita,
pero ang nakikita sa kalye ng Echague'y mailaw na palengke't baboy na mapupula, pasan ng mga taong pawisan pa ang sando;
saka sa harapan ko, binata at dalaga (o baka kasal--ewan ko): balabal ng babae ang braso ng lalaki.
Wala akong trabahong ginagawa kung gabi, wala akong katabi. Jaket ang kailangan ko, o ang matagal ko nang kaibigang serbesa. |
|