Sa Kaarawan Ng Makata |
|
Lamberto E. Antonio |
|
| Gugutumin lang daw ako sa pagsulat; Ngunit ang panulat itong aking buhay. (Sa palad ay lubhang mailap ang pilak Sapagkat sa dustang uri nabibilang).
Mahigit dalawang dekada sa mundo: Mga taong saklot ako ng pighati, Pangarap, pag-asa, lugod at silakbo Na naitutulang nagdurugong ngiti.
Nagdaan sa aking buhay ang umasa Laban sa pag-asa, pagkat ang damdamin At diwa'y may sapot ng pangungulila Na hindi maugat ang huklubang dahil;
Limit kong ituring na isang tadhana Ang karalitaa't panagimpang bigo: Ang buhay ko't lahat ng buhay sa lupa, Itinakdang maging hungkang at baligho;
Ngunit nakita kong may libong kawangis Ang danas kong hindi sinlubha't sintindi Ng danas ng ibang kahit tumatangis, May pag-asang muli't muling nagsisindi.
Paano pa nga ba maisisiwalat Ng isang makata ang katotohanan Sa gutom ng laksang kauring mahirap Kung ang panulat ko'y aking bibitiwan? |
|