Ang Aking Panulat Ay Isang Tag-araw |
|
Teo T.Antonio |
|
| Kahit na limusan ng ulan ng Mayo ang dukhang panulat, tigang din sa dugo't luha ng maraming mga pangyayari sa kasalukuyan. Tigang din ang papel na pagtutulusan ng mga katagang bubuo sa mga hinagpis, himagsik na di makasibol sa tuyot na labi ng ating panahon.
Wala na ang lintog ng mga katagang iwinawagayway ng talim ng uhay sa aking panulat. Wala rin ang bugso ng sulak at sidhi, ang mga taludtod na idinidilig na tulad ng ulan, sa lupang siniil ng sikat ng araw.
Gayunman, kahit na ang aking panulat ay isang tag-araw na simot ang luha ng mga salita, at nangangalirang ang dugo ng bawat piniling taludtod, maghuhumindig din ang talim at tulis ng abang panulat na tulad ng tudling, na itinutusok sa dibdib ng bukid kapagka bumubugso ang sanlibong hamog. (31 Mayo 1977) |
|