Payo Sa Bumabasa Ng Tula |
|
Rolando S. Tinio |
|
| Hindi nalalayo Sa pagpangos ng mangga Ang pagbasa ng tula.
Amuyin, sapulin sa kamay. Ipalasap sa palad Ang init at kinis ng balat. Saka hubarin ang dilaw na katad Na minsan may itim na pekas, Parang matang ibig mangusap.
Huwag na huwag ngangatain. Tubo at mangga'y magkaibang sining.
Tandaang laman ay parang laman. Humihingi ng ingat, pagmamahal. Turuan ang ngiping dumagan Nang hindi mag-iiwan ng sugat. Unti-untiin ang pagsisiwalat
Sa buto. . .
Na namimintog, lumalapad- Kutsilyong walang talas. Pinatuyong sinag ng araw. Usok-at-ulang nagsabato. Garing na di pa nakakatam. Siksik na taguan ng yabong, Lilim, at tatal.
Huwag mithiin ang asetikong buto, Ang puting ermitanyo, Bago mapagdaanan ang mga ehersisyong Karnal. Bayaang maganap Tamis, pait, saklap Sa isang panlasang wagas.
Huwag kainipan ang labo Ng pisnging humuhulas.
Pagkatapos na makipagtapatan Sa mga istasyon ng pagkalaman, Kusang liliwanag ang sagradong buto- Na simbigat ng katotohanan, Singgaan ng pangarap at kalawakan.
|
|